Siya'y nakadilaw. Ninanamnam ang pagkain ng fishball sa Recto, medyo harap ng Isetann. Nililipad ng hanging tila nagbabantang may malakas na pag ulan ang buhok niyang hanggang balikat lamang.
Ang kaniyang maliit na side bag, wallet at cellphone lamang yata ang kayang bitbitin.
Pinagmasdan ko ang kabuuan niya mula sa hindi naman kalayuan. Siya'y nakadilaw na t-shirt at simpleng maong na pantalon. Ang kaniyang namumulang paa'y litaw na litaw sa manipis niyang sandalyas. Teka, parang walang ibang tao sa paligid kung kumain siya ng kikiam! Tila ba nasa isa siyang mamahaling restawran sa sigla niya kumain ng iilang tuhog-tuhog.
Ang kutis niyang maputla'y tila sumisigaw na nakakaluwag siya sa buhay. Samantalang ako, ito, hamak na taga FEU lamang.
Bumili siya tig sampung pisong buko juice sa katabing kariton ng fishball-an. Sa paraan ng pag inom niya'y tila nagmumukhang mamahaling inumin ang mayroon siya. Napatingin na naman ako sa sarili. Oo nga pala, taga FEU lang ako.
Nakita niya akong nakatingin sa kaniya. Hindi ko alam pero bigla yatang nagningning ang mga mata niya. Tama ba ang nakikita ko?! Naglalakad siya papalapit sa akin! Nahalata niya bang kanina ko pa siya pinagmamasdan? Hindi naman galit ang nababasa ko sa kaniyang mga mata. Tila naestatwa ako nang sa wakas ay magkaharap na kami. Bigla yata akong nawalan ng kakayahang magsalita nang mauna siyang kausapin ako! Parang kiniliti ang aking kalamnan! Hala, ambilis niya naman duma-moves?
Nagtanong siya sa akin. Natawa naman ako nang bahagya sa isipan. Hindi bagay sa maamo niyang mukha ang malaki niyang boses! Sinubukan kong manatiling kalmado kahit na may kung anong dumadagundong sa dibdib ko. Ang mga kamay niyang mukhang malambot, ang mga kuko niyang pinatingkad ng pulang cutics! Hindi ko alam kung paano naging posible na mapansin ko ang mga maliliit na detalyeng iyon ukol sa kaniya sa gapiranggot na oras.
Bumuntong hininga na naman ako. Oo nga pala, taga FEU lang ako. Ay! Sa gilid pala ng FEU, nagtitinda ng masarap na kwek-kwek. Iyon ang tinanong niya kanina. Mura lang naman ang halaga ng mga paninda ako... Mura lang pero hindi ko siya pwedeng mahalin.